Mga pulis na kasama sa drug list, kakasuhan pa rin kahit maagang nagretiro

MANILA, Philippines — Hindi pa rin umano lusot sa kaso ang mga pulis na nasa drug watch list at nag-avail ng early retirement.

Ito ang siniguro kahapon sa publiko ni Philippine National Police (PNP) spokesman P/Brigadier General Bernard Banac, dahil ang alok na optional retirement ay maaaring ma-avail ng mga nagkakamaling mi­yembro ng PNP kapag sila ay umabot na sa mahigit sa 20 taon sa serbisyo at laging nasasangkot sa illegal na gawi, subalit hindi pa naman napapatunayan.

Pero, kapag napatunayan na umano at may mga ebidensya laban sa kanila na sangkot sila sa illegal na droga ay maaari pa rin silang kasuhan kahit na nag-avail sila ng early retirement.

Iginiit ni Banac na ang paghahain ng optional retirement ay hindi paraan o dahilan para hindi sila makasuhan.

Nabatid na ang lahat ng 357 police officers na nasa drug watchlist ay sumasailalim sa confidential adjuciation proves kabilang na rito si Police Lt. Col. Jovie Espenido na  noon ay nangunguna sa mga anti-illegal drugs operation laban sa Parojinog clan noong 2017.

Nilinaw ni Banac na magkakaroon ng magkakatulad na validation process kabilang dito ang pagsasai­lalim sa mandatory drug test at polygraph test.

Kapag napatunayan umano na inosente ay aalisin ang pangalan nila sa listahan at kapag may katotohanan ay saka sila kakasuhan.

Show comments