MANILA, Philippines — Dumistansya ang Palasyo ng Malakanyang sa inihaing quo warranto petition ng Office of the Solicitor General (OSG) na nagpapawalang-bisa sa prangkisa ng television network na ABS-CBN.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, tungkulin ni Solicitor General Jose Calida na gampanan ang kanyang trabaho at maghain ng kaso kung sa tingin niya ay may nilabag na batas ang ABS-CBN.
Ayon kay Panelo, kailanman ay hindi nakialam ang pangulo sa trabaho ng ibang sangay ng pamahalaan.
Saka lamang aniya eeksena ang pangulo kung napunta na ang usapin sa korupsyon.
Diskarte na aniya ni Calida ang ginawang hakbang sa ABS-CBN.
Paliwanag pa ni Panelo, nagpahayag lamang ng galit si Pangulong Duterte laban sa ABS-CBN dahil sa hindi page-ere ng kanyang campaign advertisement kahit na bayad na noong 2016 Presidential elections.
Hindi aniya pagsupil sa malayang pamamahayag ang ginawa ng pangulo nang banatan ang naturang TV station.