MANILA, Philippines — Patay ang isang negosyanteng Indian national, accountant, at security guard nito matapos pasukin sa loob ng kanyang pagmamay-aring tindahan ng dalawang armadong salarin at saka pinagbabaril naganap sa Brgy. Catbegan, San Fernando City, La Union noong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ng San Fernando City Police, dakong alas-6:00 ng gabi nang maganap ang pamamaril mismo sa loob ng Shania Kenny Merchandise Store, sa nasabing lugar.
Unang pinuruhan ng isang gunman ang accountant ng tindahan na si Haidie delos Reyes bago binaril ang may-ari na si Kareena Mirchandani, isang Indian national.
Ayon kay City Chief of Police Lt. Colonel Percival Pineda, inutas na rin ng isa pang gunman ang sasaklolo sanang sekyu ng tindahan na si Ferdinand Gacayan.
Nagpulasan ang mga nasindak na tao sa paligid sa takot na madamay sa putukan na siya namang sinamantala ng dalawang berdugo ang pagkakataon upang tumakas sakay ng motorsiklo.
Narekober naman ng mga otoridad sa pinangyarihan ng krimen ang mga bala na mula sa kalibre .45.
Inaalam sa imbestigasyon kung may koneksyon ang insidente sa nabigong pagpatay sa mister ni Mirchandani na isa ring Indian national noong 2016.