Taguig City nagsagawa ng medical mission at relief operation sa mga Taal evacuees
MANILA, Philippines — Sa ikalawang pagkakataon ay muling bumalik ang pamahalaang lungsod ng Taguig para maghatid ng tulong sa mga apektadong residente ng pagputok ng Bulkang Taal.
Namahagi ng libreng medical assistance at relief packs sa higit 122 na pamilya mula sa bayan ng Laurel sa Splendido Evacuation Site.
Nabatid na nagtulung-tulong ang iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan ng Taguig upang masigurado na mabibigyang responde ang bawat pangangailangan ng halos 500 indibidwal na lumikas sa kani-kanilang tahanan upang makaiwas sa mas matinding panganib.
Ang charitable effort na ito ay nagsimula sa isang medical mission na pinangunahan ng Taguig City Health Office matapos humingi ng tulong-medikal ang lokal na pamahalaan ng Laurel para sa mga evacuees nito. Nagdala rin sila ng isang botika kung saan maaaring makakuha ng mga gamot ang mga nangangailangan.
Nakatanggap ng mga food packs, tubig, hygiene kits, kumot, at banig mula sa Taguig City Social Welfare and Development.
Ang medical mission at relief operation na ito ay naging posible sa pakikipagtulungan sa mga opisina nina Sen. Pia Cayetano, House Speaker Alan Peter Cayetano, at Taguig 2nd Dist. Rep. Lani Cayetano.
- Latest