MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit na kamatayan ng isang 12-anyos na babae na matapos gahasain ay ginilitan pa sa leeg ng katiwala ng kanyang magulang sa negosyo naganap kamakalawa sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Lourdes North West, Angeles City, Pampanga.
Ang biktima na natagpuang naliligo sa sariling dugo ng kanyang ina sa loob ng kanilang bahay ay nakilalang si Elmira Herman, Grade 7.
Agad naaresto ang suspek na si Jordan Banalnal, 32, residente ng Purok 4, Brgy. Amsic, at katiwala sa negosyo ng magulang ng biktima.
Ayon sa imbestigasyon, alas-2:00 ng madaling araw nang umalis ang magulang ng biktima upang maghanap-buhay sa palengke.
Ilang oras ang nakalipas sa pag-uwi ng magulang ay dito nila nadiskubreng patay na ang anak na may gilit sa leeg.
Ilang testigo ang nakakita kay Banalnal na pumasok sa bahay nang umalis ang magulang ng biktima na kung saan dito naganap ang krimen.
Nang arestuhin si Banalnal ay agad itong umamin na ginahasa niya ang biktima bago ito ginilitan sa leeg. Kinasuhan si Banalnal ng murder at rape.