Pulis binoga ng kabaro sa kampo
MANILA, Philippines — Malubhang nasugatan ang isang pulis nang barilin ng kabaro nito matapos ang mainitang pagtatalo sa mess hall ng kanilang himpilan sa lalawigan ng Guimaras, kahapon ng madaling araw.
Ang nasugatang biktima ay kinilalang si Police Corporal Erwin Ferrer, 33 na isinugod sa Dr. Catalino Nava Hospital dahil sa tinamong tama ng bala ng Glock 17 service pistol sa tiyan.
Agad din nadakip ang suspek na si Staff Sgt.Jeremy Minerva, 35 na nahaharap sa kasong kriminal at administratibo.
Sa ulat ni Brig. Gen. Rene Pamuspusan, Police Regional Office (PRO) 6 Director, bago nangyari ang insidente, alas-4:05 ng madaling araw sa mess hall ng himpilan ng Guimaras Provincial Mobile Force Platoon (GPMFP) sa Camp Mosqueda, Brgy. Alaguisoc, Jordan, Guimaras ay kapwa nasa impluwensya ng alak ang dalawa nang dumating sa headquarters at nagtungo sila sa mess hall.
Ilang sandali habang nakaupo ang dalawa ay narinig ng ibang pulis na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mga ito na kung saan ay kinuha ni Minerva ang kaniyang service pistol Glock 17 na nakapatong sa ibabaw ng lamesa at pinutukan ang biktima.
Bunga ng insidente ay sinibak naman sa puwesto ni Police Colonel Hector Maestral, Provincial Director ng Guimaras Police Provincial Office si Police Lt. Colonel Raymond Cruz dahilan sa command responsibility.
- Latest