MANILA, Philippines — Katuwa ang tema ng pahayagang ito sa kanyang ikalabing-anim na anibersaryo. Sweet 16 at tigasin. Parang ako nang magdisisais anyos noon. Tigasin! Hindi siga-siga, ha? Kundi iyong adolescent development ng mga lalaki pagsapit sa ganoong edad. Hehehe. Alam nang lahat ng mga lalaki ang ibig kong sabihin.
Sa mga tao, ang edad na 16 ay pagbibinata o pagdadalaga. Pero sa industriya ng pamamahayag, ang edad na 16 ay masasabing ito’y hinog na edad na. Lalo sa panahong ito ng social media at cyberspace. Bibihira na ang mga pahayagang umaabot nang ganito katagal at karamihan ay tumitiklop pagkalipas lamang ng ilang taon.
Nakamit ng PM (Pang-Masa) ang ganito dahil sa tamang balanse ng mga totoong balita, mga mapanuring opinion at mga lathalaing nagtatampok ng aliw, mahalagang impormasyon, libangan at nakakatulong na mga payo. Hindi kinailangan ng PM na gumamit ng mga hubo’t hubad na larawan ng mga seksing artista o kaya’y mga artikulong pumupukaw sa kamunduhan. Datapuwat nami-miss ko rin iyon paminsan-minsan. Hehehe. Tunay na balita at totoong impormasyon ang gusto ng mga mambabasa at hindi ang mga panandaliang aliw na nilalako ng mga nabanggit na pahayagan.
Ang PM ay kahalintulad ng cartoon character kong si Tanong Tanod. Simple, mapagmatyag at mapanuri siya sa mga nagaganap sa kanyang Brgy. 69. Alam niya kung may kalokohan, pananamantala at katiwaliang nangyayari sa lugar nila’t ipinababatid niya ito sa kanyang mga kabarangay. Inaalam muna ni Tano kung may katotohanan ang mga sumbong bago siya umaksyon. Tulad niya ang PM na animo’y liwanag ng katotohanan sa gitna ng mga fake news at mga false information na araw-araw ay ibinubuga ng social media. Maaaring may maglabas ng balitang “Lindol ng Intensity 36 bukas” sa social media at kahit napakalaking kalokohan nito’y mayroon pa ring mga maniniwala rito. Gusto mo ng katotohanan? Bitawan mo yang gadget mo’t magbasa ka ng diyaryo . Hindi lang basta diyaryo….PM!