Nangotong sa bidders ng body cam...
MANILA, Philippines — Sinibak kahapon sa serbisyo ni Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Archie Gamboa ang sa tatlong opisyal ng pulisya na nasangkot sa pangongotong sa mga bidders kaugnay ng pagbili ng P334-M halaga ng mga body cameras na gagamitin partikular sa drug war at maging sa iba pang mga sensitibong operasyon.
Nabatid na nilagdaan ni Gamboa ang dismissal order nina Police Majors Emerson Sales at Rolly Caraggayan; pawang AWOL (Absent Without Official Leave) at Angel Beros na aktibo pa sa serbisyo.
Inihayag ni Gamboa na ang pagkakasangkot sa ilegal na aktibidades ng nasabing mga opisyal ay ini-expose ng isang talunang bidders.
Sinabi ni Gamboa na nadiskubre niya bilang Chairman ng PNP Bids and Awards Committee ang nasabing irregularidad matapos na magreklamo sa kanya ang isa sa walong bidders na nadiskuwalipika.
Ang nasabing bidder ay pinagbayad umano ng inisyal na P5-M ng nasabing mga pulis na miyembro ng Technical Working Group (TWG) pero sa kabila nito ay nadiskuwalipika ang iniaalok nilang produkto.