Mga opisina ng militanteng grupo, underground houses ng NPA, sinalakay

MANILA, Philippines — Ibinulgar ni Police Brig. Gen. Eric Vinoya, Commander ng Joint Task Force Negros (JTF Negros) na noong Sabado ay sinalakay ng mga otoridad ang mga opisina ng militanteng grupo at underground houses ng mga CPP-NPA terrorists sa Bacolod.

Ito ay kanilang tugon sa paratang ng Makabayan bloc na mga legal na opisina ng mga progresibong grupo ang ni-raid ng  pinagsanib na elemento ng pulisya.

Ang operasyon ay alinsunod sa nilagdaang Executive Order 70 ni  Pangulong Rodrigo Duterte upang tul­dukan ng security forces ang problema sa insureksyon na kagagawan ng mga teroristang rebelde.

Sinabi ni Vinoya na propaganda lamang ng makakaliwang grupo ang pahayag ng mga ito upang makakuha ng simpatiya sa publiko at maging sa ibayong dagat.

Sinabi pa nito na ang mga underground houses ay  madalas na sarado dahil dito nagtatago ng mga armas, bala at eksplosibo ang komunistang grupo at patunay nito ay ang pagkakaaresto ng mga lider ng CPP-NPA.

Magugunita na sa serye ng isinagawang raid ng tropa ng mga sundalo at pulisya ay nasa 42 NPA kabilang ang ilan ng mga itong lider ang nasakote habang nasa 14 naman mga kabataang bagong recruit ang nasagip sa operasyon.

Show comments