MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang judge nang ito ay pagbabarilin ng riding in tandem sa naganap na ambush sa kahabaan ng Brgy. Mameltac, San Fernando City, La Union, kamakalawa ng hapon.
Ang nasawi dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Tagudin, Ilocos Sur Regional Trial Court (RTC) Branch 25 Judge Mario Anacleto Banez, 54.
Sa ulat, bago nangyari ang krimen, alas-5:40 ng hapon ay minamaneho ng biktima ng kanyang Hyundai Accent (ACL-1508) at papauwi sa kanilang bahay nang ito ay buntutan ng isang motorsiklo lulan ang dalawang suspek.
Nang dikitan ng mga suspek ang sasakyan ng biktima ay bumunot ng baril ang angkas at walang kaabog-abog na pinagbabaril ito.
Nang matiyak ng mga suspek na tinamaan nila ang target ay mabilis na tumakas ang mga ito patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Nagawa pang madala sa ospital ang biktima, subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Malaki ang hinala ng pulisya na may kinalaman sa trabaho ng biktima ang pagpatay sa kanya.