MANILA, Philippines — Isang dating mayor na itinuturong protektor ng kidnapping for ransom (KFR) gang ang inaresto ng mga tauhan ng PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) at ng lokal na pulisya sa isinagawang raid sa kanyang bahay sa Brgy. Burgos, San Antonio, Zambales, kamakalawa.
Kinilala ni PNP-AKG Director Police Colonel Jonnel Estomo ang nasakoteng suspek na si ex-San Antonio, Zambales Mayor Romeo Lonzanida, 73 na nakumpiskahan ng mga armas at bala.
Sa ulat, bandang alas-2:48 ng umaga kamakalawa nang salakayin ng mga otoridad ang bahay na pinag-iimbakan ng mga armas ni Lonzanida sa Sitio Nangalisan, Brgy. Burgos, San Antonio ng lalawigang ito.
Ang raid ay base sa search warrant na inisyu ni Executive Judge Omar Viola, 3rd Judicial Region laban sa dating alkalde.
Nasamsam sa operasyon ang isang M114 rifle na may magazine na may 19 mga bala at isang cal 5.56 AR 15 na may isang magazine at 19 mga bala.
Ayon sa opisyal ang raid ay matapos namang makatanggap ng reklamo ang PNP-AKG na si Lonzanida ay nagsisilbing protektor ni Ricardo Peralta na sangkot sa gun for hire ng mga tiwaling pulitiko, kidnapping at miyembro ng Private Armed Groups na nag-ooperate sa Central Luzon at Metro Manila.
Sa imbestigasyon, bago sumuko sa National Bureau of Investigation si Peralta noong Disyembre 10, 2018 ay kinanlong ito ni Lonzanida.
Sa tala, si Lonzanida ay nagsilbing alkalde sa loob ng 23 taon bago ito natanggal sa puwesto dahilan sa kasong inihain sa Sandiganbayan.