MANILA, Philippines — Nanawagan si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga kababaihan na may edad 30 taon pataas na agad magpasuri ng kanilang dibdib para matiyak na walang sakit na breast cancer.
Ito ay sinabi ni Belmonte sa paggunita sa Breast Cancer Awareness month kahapon sa ginanap na flag raising ceremony sa QC hall grounds at pinangunahan kasama si Vice Mayor Gian Sotto sa pagsasagawa ng human formation kasama ang mga empleyado ng QC hall na nakasuot ng kulay puting t-shirt at may dalang kulay pink na payong bilang pagsuporta ng QC government para labanan ang sakit na breast cancer ng mga kababaihan.
Anya, 3 sa 100 kababaihan ay may breast cancer at may 243 ang namamatay kada taon dahil sa nasabing sakit.
Sinabi pa ni Mayor Belmonte na isang advocacy niya para sa mga kababaihan na labanan ang cancer dahil ang ina niya ay namatay sa sakit na breast cancer.Iniulat din niya na dumaan na siya sa pagsusuri dito at napatunayang wala siyang gene ng cancer.