Spa na may ‘extra service’, ipinasara ni Mayor Joy Belmonte

Ayon kay Mayor Bel­monte, ipinasara ang Dragon Spa na matatagpuan sa 1022 Olympia Bldg. E. Rodriguez, dahil sa paglabag sa RA 10364 o Expanded Human Trafficking in relation to RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at pag­labag sa SP-91 Series 1993 o QC Revenue Code dahil sa hindi pagkuha ng business permit mula 2017.
File

MANILA, Philippines — Ipinasara ng Pama­halaang Lungsod ng Quezon at Quezon City Police District (QCPD) sa pangunguna ni Ma­yor Joy Belmonte at QCPD chief Ronnie Montejo ang isang spa na umano’y ginawang sex den kung saan ibinubugaw ang mga kababaihan sa kanilang mga kostumer sa naturang lungsod, nitong Biyernes ng hapon.

Ayon kay Mayor Bel­monte, ipinasara ang Dragon Spa na matatagpuan sa 1022 Olympia Bldg. E. Rodriguez, dahil sa paglabag sa RA 10364 o Expanded Human Trafficking in relation to RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at pag­labag sa SP-91 Series 1993 o QC Revenue Code dahil sa hindi pagkuha ng business permit mula 2017.

Ang naturang establisyemento ay agad na ikinandado matapos mahuli sa aktong ikinakalakal ang mga babae para sa extra services.

Nahuli ng mga otoridad sa naturang operasyon ang apat na babae, isang cashier at isang kostumer.

Nabatid na ang ope­rasyon ng naturang spa ay isinasagawa sa pamamagitan ng Facebook kung saan dito ginagawa ang booking ng mga babae at ng mga parukyano na saka na lamang magbabayad sa cashier ng spa pag nais ng extra service.

Ayon kay Belmonte, bukod sa mananagot sa batas ang may-ari ng spa, isasama rin nilang kasuhan ang may-ari ng gusali dahil sa paggamit ng kanyang establisimento bilang sex den.

Show comments