MANILA, Philippines — Sinampahan na ng kasong murder at frustrated murder nitong Martes ang 22 katao na suspek sa pananambang kay dating Pangasinan Governor Amado “Amang” Espino Jr. na ikinasawi ng dalawa nitong bodyguard noong Setyembre 11 sa San Carlos City, Pangasinan.
Isinampa na ang kasong 2 counts ng murder at apat na counts ng frustrated murder laban sa natukoy na 22 suspects at ilan dito ay kinilalang sina Albert Palisoc, alyas “Alvin Pascaran;” Armando Frias, alyas “Jong;” Benjie Resultan; Joey Ferrer; Ronnie de los Santos; Gerry Pascua alias “Kagawad Guapo;” Sherwin Diaz; Teofilo Ferrer alyas “Pong;” isang tinukoy sa pangalang Russel alyas “Sel;” Jewel Castro; John Paul Regalado; Alfred Pascaran, Samantalang ang sampung iba pang mga John Does ay masterminds, financier at mga kasabwat sa krimen.
Itinuring ng pulisya na lutas na ang kaso sa pananambang kay Espino na dati ring kongresista sa lalawigan ng Pangasinan matapos ang mahigit 20 araw ng masusing imbestigasyon na isinagawa ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) Espino.
Nabatid na ang mga suspects ay mga kilalang miyembro ng gun for hire syndicate na kung saan ang sasakyang ginamit sa pananambang ay pag-aari nina Castro at Regalado.
Magugunita na tinambangan ng mga armadong salarin ang behikulong sinasakyan ni Espino at mga bodyguard nito noong Setyembre 11 ng taon sa Brgy. Magtaking, San Carlos City.
Nasugatan si Espino sa tinamong tama ng bala sa katawan at braso nito habang minalas namang masawi ang isa sa kaniyang mga bodyguard na si Police Staff Sgt Richard Esguerra, habang ang driver nitong si Agapito Cuizon ay namatay naman habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.