MANILA, Philippines — Isang drug pusher na suspek sa panghahalay at pagpatay sa isang 19-anyos na dalaga ang nasawi nang ito umano ay manlaban sa mga otoridad sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Ang napatay na suspek ay kinilalang si Jomari Satur dela Peña, alyas Tomtom, 25, binata ng Maligaya St., Brgy. Pajo ng nasabing siyudad.
Nabatid din na ang suspek ay siyang humalay at pumatay sa biktimang si Liezel Jadlos, estudyante at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat ng pulisya, noong Linggo ng alas-12:30 ng madaling araw nang pasukin ng suspek ang silid ni Jadlos para gahasain, subalit nanlaban ang dalaga kaya’t sinaksak ito ng una bago tumakas.
Nadala pa sa ospital ang dalaga, subalit idineklara itong dead-on-arrival.
Kahapon ng ala-1:00 ng madaling araw ay nagsagawa ng buy-bust operation ang mga otoridad laban sa suspek na kilalang drug pusher at addict sa lugar, subalit nanlaban ito kaya’t nabaril at napatay.
Narekober sa suspek ang isang cal.38 revolver, 11 plastic sachet ng shabu at buy-bust money.