Guro, anak niratrat habang nasa loob ng kotse

MANILA, Philippines — Patay ang isang lala­king guro at 5-anyos nitong anak nang pagbabarilin ng ‘di pa natutukoy na riding-in-tandem habang sakay ng kanilang kotse na nakaparada sa harap ng kanilang tahanan sa Purok Abrenica, Brgy. GPS, Koronadal City, South Cotabato, nitong Biyernes ng gabi.

Nagawa pang maisugod sa pagamutan dakong alas-7:00 ng gabi ang mag-amang biktima na sina Bryan Togonon, 31-anyos, at kanyang anak na si Niccolo Togonon, ngunit idineklarang dead-on-arrival sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Agad namang tumakas ang mga suspek na nakatakip umano ang mga mukha matapos maisagawa ang pamamaslang.

Sa ulat, kagagaling lang umano ng mga biktima sa bayan upang bumili ng gatas na lingid sa kanilang kaalaman ay sinundan na pala sila ng mga suspek na pagsapit sa tapat ng kanilang bahay ay dito na niratrat ang mag-ama.

Ayon kay Police Lt. Col. Joefel Siason, Chief of Police ng Koronadal City PNP na tinitingnan nila ngayon na posibleng may kinalaman ito sa mga investment scheme dahil nagsilbi umanong coordinator ang matandang Togonon ng isang investment company. Nabatid na lumapit na noon ang biktima sa Koronadal City PNP para humingi ng tulong sa kanyang problema.

Show comments