MANILA, Philippines — Magbibigay ng P200,000 reward ang Marikina City government sa sino mang makapagbibigay ng karagdagan pang impormasyon hinggil sa mga taong nasa likod nang pagtatapon ng 58 patay na baboy sa Marikina River.
Sinabi ni Marikina City Mayor Marcelino‘Marcy’ Teodoro, bagama’t may lead na mga larawan at impormasyon ang lokal na pamahalaan, hinggil sa insidente ay wala pa umano silang mga testigo na makapagbibigay ng detalyadong impormasyon kung sino ang may kagagawan nang pagtatapon ng mga patay na baboy sa ilog.
Anang alkalde, ang kanilang mga nakalap na lead ay naipaabot na nila sa Department of Agriculture (DA), ngunit naghahanap pa sila ng karagdagang impormasyon hinggil dito.
Una nang sinabi ng alkalde na nais nilang mapanagot ang mga taong nasa likod ng pagtatapon ng mga patay na baboy at tiniyak na sasampahan nila ng kaukulang mga kaso.