MANILA, Philippines — A ktibo umano sa social media tulad ng Facebook ang ilang preso sa Maximum Security Compound ng National Bilibid Prison (NBP).
Ito ang ibinulgar kahapon ni Senator Panfilo Lacson sa ikaapat na pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rihgts kaugnay sa mga naipapasok na mga cellular phones sa loob mismo ng Maximum Security Compound.
Ipinaalala ni Lacson ang unang sinabi ni Justice Jose Midas Marquez ng Office of Court Administrator (OCA) na ang pangunahing kontrabando na naipapasok sa New Bilibib Prison ay cellular phones tulad noong Agosto ay nagkaroon ng raid at apat na cellphones ang nakumpiska.
Isa sa mga nasabing cellphones ay pag-aari ni Raymond Dominguez na nakakulong sa Maximum Security Center sa Building 14.
Si Dominguez ang pumatay sa anak ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) spokesman Arsenio Evangelista na dumalo rin sa pagdinig.
Hindi naman masabi ng mga opisyal ng BuCor na dumalo sa pagdinig kung ano ang parusang ipinapataw sa mga nahuhulihan ng cellphones.
Ipinunto pa ni Lacson na hindi lamang dito sa Pilipinas nakikita ang posts ng mga bilanggo kung maging sa ibang panig ng mundo.
Anya, kung talagang istrikto ang BuCor, hindi dapat nakakapag-post sa Facebook ang ilan sa mga preso na may high-profile na kaso.
Ayon naman kay Evangelista, base sa natanggap nilang impormasyon, nabaril sa loob ng NBP ang nobya ni Dominguez kaya may naka-post na bungo sa Facebook nito.
Ang pagkakabaril umano ng girlfriend ni Dominguez ay hindi lumabas sa media noong 2017.
Kinumpirma naman ni dating BuCor chief at ngayon ay Senator Ronald dela Rosa ang insidente pero itinanggi na sa loob mismo ng BuCor compound nangyari ang pagkakabaril.
Idinagdag ni Evangelista na ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, umaabot sa P2 milyon hanggang P2.5 milyon ang halaga para maipasok ang mga mamahaling cellular phones sa loob ng NBP.
Ang mga 2G at 3G na cellular phones naman umano ay naghahalaga ng nasa P500,000 hanggang P700,000.