Abogado itinumba sa harapan ng kaanak

MANILA, Philippines — Bulagta ang isang abogado nang pagbabarilin nang malapitan sa harapan mismo ng mga kaanak nito ng isang ‘di pa natutukoy na salarin naganap sa loob ng isang kilalang fastfood chain sa Brgy. San Roque, Antipolo City nitong Huwebes. Dead-on-arrival sa pagamutan ang biktimang si Atty. Irineo Michael Cabugoy, 73-anyos, sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo.

Sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-11:50 ng gabi nang maganap ang pamamaslang sa biktima sa loob ng fastfood chain na matatagpuan sa naturang lugar.

Sa imbestigasyon, habang masayang kumakain ang biktima kasama ang kanyang mga kaanak nang biglang lumapit ang salarin sa kanilang mesa at agad na pinaputukan nang malapitan sa ulo ang biktima.

Ang insidente ay lumikha rin ng matinding takot sa mga service crew at kustomer ng nasabing fastfood chain na nagpanakbuhan sa insidente. Nagawa pang maisugod sa Antipolo Doctors Hospital ang biktima pero idineklara na itong patay. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang pamamaslang.

Show comments