Pagpapalaya sa 11,000 inmates, walang banta sa seguridad-PNP
MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na wala silang nakikitang banta sa seguridad ang napipintong pagpapalaya sa tinatayang 11,000 inmates sa National Bilibid Prison (NBP).
Ito ang sinabi ni PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac,pero sakaling gumawang muli ng krimen ang nasabing mga inmates ay handa nilang muling arestuhin ang mga ito at panagutin sa batas.
Ginawa ni Banac ang pahayag bilang reaksyon sa napaulat na napipintong pagpapalaya sa 11,000 inmates dahilan sa binagong patakaran sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) sa ilalim ng Republic Act 10592 na nagpapaikli ng sentensya ng mga nasentensyahang preso na nagpakita ng magandang pag-uugali sa bilangguan.
Nitong Miyerkules ay nilinaw ng Department of Justice ang isyu matapos ang implementasyon ng desisyon ng Korte Suprema na nagpapaikli ng prison terms ng mga convicted na preso.
Naging mainit ang isyu matapos na lumabas ang ulat na kabilang sa mga palalayain ay ang convicted rapits at murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ruling ng Korte Suprema.
- Latest