Pulis todas nang magulungan ng truck sa Makati

MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital, ang isang pulis-Makati nang magulungan ng isang cargo truck na nakabundol sa kanya kahapon ng umaga sa northbound lane ng Osmeña Highway, Brgy. Magallanes ng naturang lungsod.

Ang nasawi ay kinila­lang si Patrolman Francis Ecalner, 25, nakatalaga sa Makati City Police Community Precinct 4.

Sumuko naman sa mga otoridad ang driver ng cargo truck na si John Paul Lansang, 24.

Sa ulat, bago naganap ang insidente dakong alas-7:58 ng umaga sa nasabing lugar ay binabagtas ng biktima ang naturang highway sakay ng kanyang motorsiklo para pumasok sa kanyang duty nang biglang masagi ng trak. Pumailalim ang biktima at nagulungan siya ng trak dahilan ng kanyang pagkasawi.

Ayon kay Duty Desk PMSgt. Aries Alcantara, tinawagan niya ang mobile number ni Ecalner dahil sa hindi pa dumara­ting sa trabaho ngunit ang tauhan ng Skyway ang sumagot na nagsabing naaksidente ito at isinugod sa Taguig-Pateros Hospital na idineklarang dead-on-arrival.

Kinasuhan ang dri­ver ng truck ng reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.

Show comments