MANILA, Philippines — Nasakote ng mga operatiba ng pulisya ang isang notoryus na lider ng isang kriminal na gang na pangunahing suspek sa pagpatay sa isang barangay chairman matapos na matunton ang pinagtataguan nito sa Cassa Isabel, Brgy. Tanghas, Tolosa, Leyte kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasakoteng suspek na si Mindy Lat alyas Boyet, 40 anyos, may asawa, negosyante ng Purok 4, Brgy. San Lucas, Lipa City, Batangas at tubong Leyte.
Sa report ni Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director Police Major Gen. Amador Corpus, bandang ala-1:00 ng hapon nang masakote ang suspek sa nasabing lugar.
Base sa imbestigasyon, si Lat ay pangunahing suspek sa pagpatay kay Brgy. Chairman Marlon Luancing noong Disyembre 28, 2018 sa Lipa City, Batangas
Natukoy din ng mga awtoridad na ang suspect ang lider ng isang kilabot na grupong kriminal na sangkot sa gun for hire sa Batangas at iba pang lugar.