MANILA, Philippines — Upang masusing masiyasat ang lahat ng anggulo sa pagpatay sa radio brodkaster na si Eduardo ‘Ed’ Dizon ay bumuo ang Kidapawan City-PNP ng special investigation team na tututok sa kaso.
Ayon kay Police Lt. Col. Joyce Birrey, hepe ng Kidapawan City-PNP, itinaas na nila sa provincial level ang imbestigasiyon upang masusing siyasatin ang lahat ng anggulo sa motibo ng pagpatay kay Dizon ng riding in tandem habang pauwi na ito sa kanilang bahay.
Una nang kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines-Kidapawan City Chapter ang nangyaring pagbaril at pagpatay na malaking hamon sa mga kinauukulan.
Ang sinapit ni Dizon ay ang kauna-unahang kaso ng pagpaslang ng isang mamamahayag sa lungsod.
Napag-alaman sa pulisya na una nang dumulog si Dizon dahil nakatanggap umano siya ng banta sa kanyang buhay at hinahamon pa ng barilan ng isa pang media na nangangasiwa sa KAPA sa lungsod.