MANILA, Philippines — Tatlong miyembro ng drug syndicate na umano ay supplier ng shabu sa Metro Manila at lalawigan Cavite ang naaresto ng mga otoridad at nasamsam ang nasa P6.8 milyong halaga ng shabu sa isang drug buy operation kahapon ng madaling araw sa Sta. Ana, Maynila.
Ang tatlong suspek na sinampahan na ng kaso sa piskalya ay nakilalang sina Mark Anthony Alcantara, alyas ‘Maki,’; Rudy Kidlat at Rona Valenzuela.
Sa ulat, dakong ala-1:10 ng madaling araw nang isagawa ng pinagsanib na tauhan ng Manila Police District-Station 6, Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- National Capital Region (NCR), ang drug buy-bust operation sa Osmeña Highway, Sta. Ana na ikinaaresto ng tatlong suspek.
Kabilang din sa narekober ang 5 sachet ng shabu na nasa kalahating kilo ang kabuuan na nabili ng poseur-buyer ng P500-libo ay nakumpiska rin ang 5 pang sachet na may tig-100 gramo .
Nabawi rin sa mga suspek ang 10 bundle ng P1,000 bills na boodle money na katumbas ng P1 milyon at ginamit bilang buy-bust money, at isang pulang Suzuki car na ginamit ng mga suspek sa transaksiyon.
Nabatid na isang buwan umanong isinailalim sa surveillance ang grupo bago nagawang makabili ng shabu sa mga suspek na sakay ng kotse nang makipagkita sa nasabing lugar.
Pinaniniwalaang nakakapasok sa bansa ang nasabing shabu mula Tsina dahil sa pinaglagyang tea bags na may Chinese character.