MANILA, Philippines — Isang stuntman ng ABS-CBN Channel 2 television network na si Ryan Cabañas, 38, ang naaresto nang mahulihan ng mga armas na walang lisensya at ireklamo ng illegal recruitment sa isinagawang operasyon ng mga operatiba ng pulisya sa Pagibig Homes, San Doval Avenue, San Andres, Cainta, Rizal kamakalawa ng alas-9:35 ng umaga.
Ang suspek ay inaresto sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte matapos ang masusing surveillance operation at nakumpiska mula rito ang isang .22 caliber rifle na may scope, isang sniper rifle na may scope, isang 9 MM Beretta pistol isang unit ng Ronin kit, dalawang magazine ng cal. 45 pistol, apat na unit ng magazine ng cal 9 MM, dalawang magazine ng cal 22 caliber, 234 bala ng iba’t-ibang kalibre ng armas, isang silencer ng armas, isang bullet proof vest na may NBI markings at isang piraso ng Kevlar helmet.
Bukod dito na ang suspek ay wanted din sa kasong syndicated illegal recruitment sa ilalim ng Section 6 ng Republic Act 042 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995) na inamyendahan bilang RA 10022 ( An Act Amending Republic Act No. 8042 sa ilalim naman ng warrant of arrest na inisyu ni Encarnacion Jaja Moya, Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 146, Makati City.-