Eskuwelahan grinanada, sinunog: VCM natupok
MANILA, Philippines — Isang eskuwelahan na nagsilbing canvassing area nitong nagdaang eleksyon ang pinasabugan ng granada at sinunog pa ng ‘di pa natutukoy na mga armadong kalalakihan na nagresulta sa pagkasunog din ng isang Vote Counting Machine (VCM) habang pito pang VCM ang nasagip ng mga nagrespondeng pulis sa San Pablo , Zamboanga del Sur nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa ulat, dakong alas-11:00 ng gabi nang mangyari ang pagpapasabog at panununog sa San Pablo Central Elementary School sa Purok Malolo-yon, Brgy. Poblacion, San Pablo ng lalawigan.
Ang nasabing eskuwelahan ay nagsilbing canvassing area sa katatapos na midterm elections at pinagtaguan ng mga VCM machine at mga election paraphernalias na ginamit sa botohan.
Sa imbestigasyon, niyanig ng malakas na pagsabog ang nasabing eskuwelahan at kasunod nito ay binalot ito ng makapal na usok na sinundan ng sunog sa nasabing lugar.
Agad namang nagresponde ang mga PNP personnels ng San Pablo MPS at mga bumbero sa lugar upang maapula ang sunog kung saan idineklarang fire out dakong alas-11:20 ng gabi.
- Latest