MANILA, Philippines — Isinuko ng mga mangingisda sa himpilan ng pulisya ang nalambat nilang 18 bricks na cocaine sa karagatan ng Surigao del Sur sa magkahiwalay na insidente nitong Martes at kahapon ng umaga.
Sa ulat ni CARAGA Police Director Police Brigadier General Gilbert Cruz, dakong alas-9:30 ng gabi nang unang i-turnover ng mga mangingisdang sina Jolan Basadre Pucot, 25 ang 16 bricks na cocaine sa Lingig Municipal Police Station.
Dakong alas-10:30 naman kahapon ng isurender muli ni Pucot ang dalawa pang karagdagang bricks ng cocaine na tumitimbang ng 2 kilo at nagkakahalaga ng P10 milyon.
Ayon kay Pucot, habang nangingisda ay natagpuan niya ang nasabing mga cocaine bricks na palutang-lutang sa karagatang nasasakupan ng Brgy. Handamayan.
Pinapurihan naman ni PNP Spokesman Police Colonel Bernard Banac ang magandang inasal ng nasabing mangingisda sa katapatan nito nang iturnover sa kustodya ng pulisya ang nasabing halaga ng cocaine.
Umaabot na sa mahigit P 1 bilyon ang narerekober na mga floating cocaine partikular na sa CARAGA Region.