MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nag-alok ng P10 milyon pabuya ang Malacañang sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para maaresto si dating police official Eduardo Acierto.
Ito rin ay matapos maglabas ang Manila Regional Trial Court ng hold departure order laban kay Acierto at anim na iba pa kaugnay ng P6.4 bilyong smuggled na shabu.
Inatasan ni Manila RTC Judge Ma. Bernardita Santos ng Branch 35 ang Bureau of Immigration na bantayan ang posibleng paglabas ng bansa nina Acierto; dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Deputy Director for Administration Ismael Fajardo; importers Chan Yee Wah alias KC Chan at Zhou Quan alias Zhang Quan; consignees Vedasto Cabral Baraquel Jr. at Maria Lagrimas Catipan of Vecaba Trading; at Emily Luquingan sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na inihain sa Department of Justice (DOJ).
Lumantad pa si Acierto kamakailan at isinangkot ang dating adviser ni Pangulong Duterte sa illegal drug trade.