MANILA, Philippines — Patay na si Moro Islamic Liberation Front (MILF) Vice Chairman Ghazali Jaafar (Salih Abo) matapos na maratay sa isang hospital sa lungsod ng Davao kahapon ng madaling araw.
Sinabi ni PNP Spokesman Police Colonel Bernard Banac si Jaafar ay binawian ng buhay sa edad na 73-anyos dakong ala-1:39 ng madaling araw sa Metro Davao Medical and Research Center.
Nabatid na nagkaroon ng maraming kumplikasyon sa kaniyang sakit si Jaafar partikular na sa bato, puso at kaniyang tiyan.
Ayon kay MILF Chairman Murad Ebrahim na bago binawian ng buhay si Jaafar ay pabalikbalik na sa hospital si Jaafar na madalas ma-confine at magpa-checkup dahilan sa seryosong kondisyon ng kalusugan nito.
Si Jaafar ay sumailalim din sa angioplasty nitong nakaraang taon upang umayos ang daloy ng dugo sa kaniyang puso.
Naitalaga si Jaafar bilang Chief ng Bangsamoro Transition Commission na humawak sa BangsamoroOrganic Law na siyang nagbigay daan sa paglikha ng bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).