MANILA, Philippines — Magkakaroon na ng isang kongkretong hakbang para sa ligtas at abot kayang pabahay para sa pamilyang Pilipino matapos na maisabatas ang paglikha sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Ito ang sinabi ni Partido ng Bayan ang Bida (PBB) partylist nominee Atty. Imee Cruz, na ang pagsasabatas ng Republic Act (RA) 11201 ay ang unang hakbang para masiguro ang ligtas at maayos na pabahay para sa bawat Pilipino.
Iniakda ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez na siya rin Chairman ng House Committee on Urban Development na nilagdaan noong Pebrero 14, 2019 na lumilikha sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) mula sa pinagsamang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) na magsisilbi bilang pangunahing ahensiya na magtataguyod ng mga polisiya hinggil sa pagtatayo ng mga pabahay, human settlement at magsusulong ng urban development.
Sa ilalim ng batas, ang ahensiyang ito ang siyang mangangasiwa sa mga korporasyong may kinalaman sa pabahay gaya ng National Housing Authority, National Home Mortgage Finance Corporation, Home Development Mutual Fund, at ang Social Housing Finance Corporation.
Idinagdag ni Atty. Cruz, na sisiguraduhin ng PBB partylist ang epektibong implementasyon ng nasabing batas upang maisakatuparan ang isang tunay na komprehensibong socialized housing para sa kapakanan ng mga Pinoy.