Aquino, Florencio Abad, Janette Garin kasuhan sa Dengvaxia mess - Kamara
MANILA, Philippines — Sa botong 14 na pabor at 4 na No ay inirekomenda na ng House Committee on Good Government ang pagsasampa ng mga kasong graft laban kina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Budget Secretary Florencio Abad, dating Health Secretary Janette Garin at ilang mga doktor at miyembro ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) Bids and Awards Committe na sangkot sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Rep. Xavier Jesus Romualdo, chairman ng nasabing komite at House Committee on Health Rep. Angelina Tan na lumalabas sa kanilang pagsisiyasat
na nagsabwatan ang mga nasabing opisyal para masiguro na mabibili ang malaking bulto ng Dengvaxia vaccine at magagamit sa mga mag-aaral sa National Capital Region (NCR) at Region III at IV kahit na hindi pa kumpirmado na ligtas at epektibo ito.
Natukoy din na nagsabwatan ang mga opisyal para magkaroon ng shortcut sa proseso at paboran ang Sanofi Pasteur, na manufacturer ng dengue vaccine.
Pinakakasuhan din ng Technical Malversation sina Aquino, Abad, Garin at Dr. Julius Lecciones dahil wala umano sa 2015 General Appropriations Act (GAA) ang pondo para sa pagbili ng Dengvaxia vaccine at hindi rin kasama sa Expanded Immunization Program ng DOH noong 2015 ang naturang bakuna na inaprubahan umano ni Aquino sa kahilingan ni Garin para magamit ang savings ng DOH sa pagbili ng bakuna na aabot sa mahigit P3.5 bilyon.
Pinasasampahan din ng grave misconduct ang mga nabanggit na opisyal kahit pa ang ilan sa kanila ay wala na sa gobyerno.
Kabilang pa sa rekomendasyon ng joint committee ay ang maituring na void o walang bisa ang kontrata sa pagitan ng PCMC at Zuellig Pharma Corporation.
Pinaghahain din ang PCMC ng civil action laban sa Zuellig, dating Pangulong Aquino, Abad, Garin at Dr. Lecciones para mabawi ang ibinayad nito sa procurement ng Dengvaxia vaccine. Pinaiimbestigahan na rin sa Anti Money Laundering Council (AMLC) ang nasabing usapin.
- Latest