Paglilinis sa Manila Bay, simula ngayon
MANILA, Philippines — Sinimulan ngayong araw ang paglilinis, pagbabalik sa ningning at ganda ng Manila Bay ng iba’t-ibang government organization.
Inatasan na ng pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan at mga barangay official sa bansa na tumulong sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año ang 178 local government units (LGUs) at 5,714 barangays ay kailangan na magsagawa ng lingguhang paglilinis alinsunod sa DILG Memorandum Circular No. 2019-09 na inilabas noong Enero 24.
Sinabi ni Año na magiging mabilis ang Manila Bay clean-up kung magtutulungan ang mga LGU at barangay.
Inihayag ng kalihim na mamamayan din ang dapat sisihin sa polusyon at pagdumi ng Manila Bay pero puwede pa anya itong maisalba kung magtutulungan ang lahat.
Ani Año, puwede ring magpatulong ang mga lokal na pamahalaan at barangay sa mga volunteers, non-government organizations, civil society organizations, academy para mahikayat ang partisipasyon ng iba’t ibang grupo sa paglilinis.
Sa ilalim ng Local Government Code, ang mga barangay ay obligadong magsagawa ng basic services kabilang ang paglilinis ng kapaligiran.
- Latest