MANILA, Philippines — Ikinasiya ng Palasyo ang resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan nakakuha ng “good” sa ikaapat na quarter ng 2018 ang Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, magsisilbing inspirasyon para sa Gabinete ang nakuha nilang magandang rating at tiyak na mas pagbubutihin pa nila ang kanilang trabaho.
Tiniyak din ni Panelo na mas magtatrabaho nang mabuti ang administrasyong Duterte sa nalalabing mga taon ng panunungkulan ng Pangulo.
Sinabi ni Panelo na palaging ipinapaalala ni Duterte sa kanila na sila ay nasa puwesto upang maglingkod at walang lugar ang katamaran sa nalalabing tatlong taon at kalahati ng administrasyon.
Hinikayat din ng Pangulo ang mga mamamayan na isantabi na ang mga iringan at magtulungan na lamang para sa pag-unlad ng bansa.
Ang Gabinete ay nakakuha ng +35 satisfaction rating noong Disyembre 2018, ang pinakamataas na rating noong nakaraang taon. Mas mataas ito ng tatlong puntos kumpara sa +32 satisfaction rating na isinagawa noong Setyembre.