MANILA, Philippines — Matapos kanselahin kamakalawa ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) ng mag-amang sina Iloilo Mayor Oscar Garin at anak nitong si Iloilo 1st District Rep. Richard Garin ay agad sumunod ang mga ito at isinuko kahapon ang 14 malalakas na uri ng armas.
Ayon kay (PRO) 6 Director P/Chief Supt. John Bulalacao, si Mayor Garin ay nag-turnover ng 12 gauge shotgun at apat na cal. 45 pistols habang siyam namang rifles at pistola ang isinurender ni Iloilo Rep. Garin.
Si Rep. Garin ay nasangkot sa pambubugbog, pandudura kay PO3 Federico Macaya Jr., habang ang biktima ay tinututukan naman ng baril ng alkalde noong Disyembre 26 sa pampublikong plaza ng Guimbal, Iloilo.
Ang nasabing mga armas ay ipinasurender ng mag-ama sa kamag-anak nilang si Iloilo Vice Governor Christine Garin.
Sa tala ng PNP ang mag-amang Garin ay may 19 armas sa kanilang pag-iingat kung saan 8 dito ay expired na ang mga lisensya. Ang mag-ama ay kinasuhan na ng PNP ng pitong kasong kriminal at apat na kasong administratibo sa Ombudsman ng Visayas kamakalawa ng hapon.
Nakatakda ring imbestigahan ng PNP ang pribadong security agency na pag-aari ng mag-amang Garin upang alamin kung lisensyado ang mga armas dito at kung ginagamit ng mga ito ang kanilang mga security guards bilang mga security escorts na dapat ay may go signal ng pulisya at unipormado.