MANILA, Philippines — Isang kongresista at ama nitong alkalde ang nasa hot water nang masangkot ang mga ito sa pambubugbog at pandudura ng isang naka-unipormeng pulis sa harapan ng maraming tao sa pampublikong plaza ng Guimbal, Iloilo, kahapon.
Ang nambastos na mga opisyal ay kinilalang sina Iloilo 1st District Rep. Richard Garin at ama nitong si Guimbal Mayor Oscar Garin.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 6 Director P/Chief Supt. John Bulalacao, dakong alas-2:40 ng hapon nang matanggap nila ang ulat hinggil sa insidente na kung saan ay ipinatawag ng mag-amang pulitiko si PO3 Federico Macaya na nakatalaga sa Guimbal Municipal Police Station (MPS).
Sa hindi malamang kadahilanan ay pinagtulungang disarmahan, kapkapan , kunin ang mga personal na kagamitan habang tinututukan ng baril saka pinosasan si PO3 Macaya.
Habang nakaposas ay ginulpe pa ito ng mag-amang Garin at dinuraan pa si PO3 Macaya na naka uniporme.
Sinabi ni Bulalacao na sisibakin niya sa puwesto ang hepe ng Guimbal MPS dahilan sa kawalan ng aksyon sa insidente at sasampahan nila ng kaso ang mag-amang Garin.
Nabatid pa sa opisyal na karamihan sa mga miyembro ng pulisya sa Guimbal ay nagpapalipat na ng destino bunga umano ng kasungitan ng alkalde.
Kaugnay nito, pinatatanggalan naman ni Bulalacao ng security escorts ang mag-ama bunga ng insidente.