Faeldon Jr., laya na
MANILA, Philippines — Tiyak na magiging masaya ang pagdiriwang ng Pasko ng pamilya ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Nicanor Faeldon Sr. matapos na palayain ang anak nito na nasangkot kamakailan sa kasong may kinalaman sa droga.
Nabatid na na-dismiss ang kasong paglabag sa Section 6 ng Republic Act 9165 (maintenance of drug den) na isinampa ng mga otoridad laban kay Nicanor Faeldon Jr. dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya.
Matatandaan na nitong nakaraang Disyembre 14 ay kasama sa nadakip ang nakababatang Faeldon sa ginawang search operation sa tinutuluyan nitong bahay sa Brgy. Mabolo, Naga City na umano’y drug den na pag-aari ni Russele “Bubbles” Lanuzo, ama ng girlfriend nito na siyang subject sa operasyon.
Hindi lamang si Faeldon Sr. ang nasiyahan sa pagdismis sa kaso ng kanyang anak at maging si Sandra Mae Lanuzo, live-in partner ni Fealdon Jr. at sinabi nitong masaya siya sa pagkaka-dismiss ng kaso na alam niyang walang kasalanan ang kanyang kinakasama.
Maliban kay Faeldon Jr., nakalaya rin sina Allan Valdez at Manuel Nebres na kasama sa mga nahuli sa nasabing operasyon.
Una rito ay nagnegatibo sa drug test si Nicanor Jr., ngunit nagpositibo naman ang subject ng operasyon na si Bubbles na sa ngayon ay nananatili sa kustodiya ng Naga City Police Office (NCPO) habang hinaharap ang kasong may kaugnayan sa droga.
- Latest