MANILA, Philippines — Negatibo ang naging resulta ng drug test sa anak ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon Sr., habang nag-positibo naman ang tatlong iba pang kasamang naaresto sa hinihinalang drug den sa Zone-3, Brgy. Mabolo sa Naga City, Camarines Sur kamakalawa ng umaga.
Base sa resulta ng drug test na ipinalabas kahapon ng Camarines Sur Provincial Laboratory Office ng PNP, napatunayang negatibo sa anumang uri ng droga si Nicanor Faeldon Jr.
Samantalang pawang positibo naman sa paggamit ng droga sina Russel Lanuzo alyas “Bubbles”, 47, Allan Valdez, 44 at Manuel Nebres, 39 taong gulang.
Ang mga ito ay nasakote sa anti-drug operation sa nasabing lugar kung saan bumibisita lamang umano ang batang Faeldon sa kanyang girlfriend na si Sandra May Lanuzo na anak ng suspek na si Russel.
Samantalang iginiit naman ni Faeldon Jr. na wala siyang alam na may illegal drug activities na nagaganap sa bahay ni Russel. Inamin nito na nakikitira siya sa bahay ni Lanuzo kasama ang kanyang girlfriend dahilan pareho silang nag-aaral sa Naga City.
Sinabi naman ni Naga City Police Director P/Sr. Supt. Felix Servita Jr., ang tatlong suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o ang Anti-Illegal Drugs Act habang si Faeldon Jr., ay maaari pa ring kasuhan sa ilalim ng Section 7 ng nasabing batas o ang Visiting a drug den.