MANILA, Philippines — Mismo ang 1987 Constitution ang nagbigay ng kapangyarihan sa Kongreso para bumuo at mag pasa ng batas. Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay mayroon ng lagpas 11,000 na batas at ang halos 140 nito ay naipasa sa panahon ni Presidente Duterte.
Subalit, papaano nga ba nabubuo ang isang batas? Nakabase ba ito sa pangangailangan ng publiko, bansa o para lang sa sariling kapakanan o interest ng mambabatas?
1. Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin, adbokasiya ang basehan sa paggawa niya ng panukalang batas. Tulad na lamang ng ini-sponsoran niya ang free irrigation act na hiniling sa kanya ng mga maliliit na magsasaka mula sa Bicol Region. Gayundin ang panawagan ng mga Person With Disabilities (PWDs) kaya inihain ang panukalang Automatic Coverage to Philhealth with PWDs. Kasama rin sa kanyang adbokasiya na mapag- aral ang mga estudyante sa Colleges at State Universities para magkaroon ng isang graduates sa isang pamilya. Lahat ng ito umano ang nakikita nilang kapakipakinabang hindi lamang sa mga Bicolano kundi sa buong bansa.
2. Buhay Partylist Lito Atienza, sa tuwing maghahain ng isang panukala ay iniisip kung makakabuti sa bansa, buhay ng mga tao, para sa kalusugan at kung makakapag-angat ito sa kabuhayan ng mga Pilipino. Ang mga kasagutan umano sa kanyang mga tanong kaya nakakagawa ng isang panukalang batas.
3. Dinagat Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao, mula naman sa proposal mula sa organized group at sa iba’t ibang sektor ang karamihan ng bills o panukala na inihahain tulad ng HIV law na mula sa mga taong nagtataglay ng nasabing sakit, gayundin ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression o SOGIE law na mula sa sektor ng lesbian, gay, bisexual and transgender (LGBT).
4. Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, para ihain niya ang isang panukalang batas ay ang praktikal na pangangailangan ng mga tao tulad ng national ID bills. Ang paghahain ng isang panukalang batas ay hindi lamang dahil sa uso ito kundi para makatulong sa mga tao.
5. Act-OFW partylist Rep. Aniceto John Bertiz, base sa pangangailangan ng kanyang mga constituents ang mga panukalang batas na kanyang inihain dahil bilang isang dating Overseas Filipino Workers (OFW) at kasalukuyang kinatawan nila sa Kongreso ay nagpasa ng panukala na nagpapalawig sa validity ng passport na dati ay mula sa tatlong taon ay naging limang taon na ito at ngayon nga ay 10 taon na.
6. House Minority leader at Quezon Rep. Danilo Suarez, kapag matagal na ang isang kongresista ay pawang mga relevant issues na lamang ang inihahaing panukalang batas hindi tulad ng kapag bagito pa lamang na puro may kinalaman sa Barangay. Ang tinutukan ngayon ni Suarez ay ang expenditure oversight accountability para masiguro na nagagastos ang pera ng gobyerno sa dapat nitong paglaanan.
7. Eastern Samar Rep. Ben Evardone ay kinokonsidera ang suggestions o proposal ng iba’t ibang sektor na makakatulong sa taumbayan.
8. CIBAC party list Rep. Sherwin Tugna, may research team na masusing pinag-aaralan kung ano ang makakabuting panukalang batas sa mamamayan. Kasama na rito kung ano ang gustong ipagbawal ng taumbayan at kung may bagong panukala na makakabuti sa tao. Binabase ng kongresista sa datos at kung sa tingin niya ay makakabuti ito sa taumbayan ay saka siya maghahain ng isang panukalang batas.
9. Negros Occidental Rep. Albee Benitez, umiikot sa kanyang distrito at sa Pilipinas para makita kung ano ang mga dapat baguhin, amyendahan o i-introduce na panibagong batas bago siya maghain ng isang panukala.
10. Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe, kumbinasyon naman ng adbokasiya, pangangailangan, inspirasyon at kadalasan ay kumbinasyon ng lahat ang paraan bago maghain ng isang panukalang batas.
11. Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan, kwento ng mga kababayan at adbokasiya na rin ang nagiging dahilan para makapag hain ng isang panukalang batas.
12. 1Pacman Rep. Michael Romero, patungkol naman sa ekonomiya at palakasan o sports ang adbokasiya ang kadalasang inihahaing panukalang batas. Ang panukala tungkol sa ekonomiya ay kadalasan na hinahanapan ng solusyon.
13. ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, pangunahing pangangailangan ng sektor na kinakatawan ang inspirasyon niya sa paggawa ng panukala. Para sa kapakanan ng mga guro at kawani tulad ng pagtaas ng sweldo, pagbaba ng retirement age, libreng edukasyon sa kolehiyo gayundin din ang mga demand at kahiligan ng mga mamamayan.
14. Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, sa advocacy at inspiration nakabatay ang core principles nila sa paggawa ng mga batas na makakatulong sa mga mahihirap at inaapi. Sa sitwasyon naman ay binabatay nila sa nangyayari sa ating bansa tulad ng mga pinaiimbestigahan naming mga paglabag sa karapatang pantao at mula sa mga imbestigasyon ay gumagawa ng panukalang batas tulad ng Human Rights Defenders Bill at iba pa.
15. Gabriela Rep. Arlene Brosas, sa paggawa ng batas kabilang na rito ay sa pamamagitan ng inspirasyon dahil ilan sa kanyang mga panukala ay tungkol sa museum at sa kababaihan. Habang adbokasiya naman ang batayan niya pagdating sa paggawa ng resolusyon at bills.
Iba’t ibang dahilan, adbokasiya at layunin pero sa bandang huli iisa lamang ang gusto ng mga kongresista: Ito ay magpasa ng batas para sa kabutihan at kapakanan ng bansa at ng Pilipino.