MANILA, Philippines — Nabubuhay tayo ngayon sa tinatawag na “Information Age” kung saan mistulang teknolohiya na ang kumukontrol sa mundo, mula politikal hanggang pang-sosyal na pakikipagtalastasan sa bawat isa.
Sa gitna nito ang ebolusyon ng “internet” na siyang pangunahing instrumento ngayon sa komunikasyon at impormasyon.
Sa kasalukuyan,tila hindi mabubuhay ang tao lalo na ang bagong henerasyon na kung tawagin ay ang “Millennials” kung aagawin sa kanila ang internet.
Sino o ano nga ba ang Millennials?
Ayon sa isang artikulo na inilathala ng TIME Magazine, ang millennials ay binubuo ng mga taong ipinanganak mula 1980 hanggang 2000. Sila din ang tinatawag na Generation Y; mga babad sa social media o internet.Sila ang henerasyon na buong namulat sa pagputok ng “online world”.
Ang Millennials sa Pilipinas ay karaniwang makikita sa pagbababad ng kanilang oras sa “online world” kabilang dito ang (Facebook, Youtube, Instagram, Twitter at iba pang mga online application.). Ang mga Millennials ay mahilig ding maghanap ng mga makabagong applications sa Android at IOS phone.
Ang mga Millennials ay inilarawan bilang mga social media-dependent at ang “selfie generation”.Karaniwang persepsyon sa kanila ay mga palaasa, tamad, materyalistiko, emosyonal, masayahin at mas aktibo sa tinatawag ng kanilang henerasyon na “Trending”, nabubuhay sa alternatibong “online world” na ginagawa sa totoong buhay.
Ngunit paano kaya kung hindi nauso ang internet at nagpatuloy ang mundo sa kinasanayan na mga teknolohiya ng komunikasyon? Ano ang kahihinatnan ng mga Millennials? Ito ang ilan sa kanilang opinyon:
“Kung walang internet, busy siguro sa physical activities yung mga kabataan. Kasi ’di pa rin mauuso yung robots, technological advancement na naganap. Pero may iba sigurong sa ibang bagay nalulong. Kagaya ng bisyo, sugal, pagbubulakbol. Hindi rin siguro tumaas ang antas ng teenage pregnancy” ayon kay Cherry Ann Deligos, 20, Bachelor of Arts in Communication (UCC).
Sa aspeto ng pag-aaral:
“Edi bobo na sila (Millennials) wala silang paggagayahan, kasi dun sila kumokopya ng lahat ng ginagawa nila.
Like paano gumawa ng thesis, ctrl c, ctrl v” ayon naman kay Jeannelyn De Guzman, 20, Bachelor of Arts in Communication (UCC).
Patunay ito na nakaasa na lamang ang mga Millennial na mag-aaral sa internet sa kanilang pag-aaral.
“Para saken, kung mawawala ang internet maaaring mayroon itong dalawang bagay; una, ang negatibo mawawalan na ng koneksyon ang bawat isa, hindi na magagamit pa ang mga application na siyang nagbibigay-daan upang magkaroon ng komunikasyon sa dalawang tao mapalapit man o mapalayo” ayon kay Mariellyne Climaco, 19, Bachelor of Science in Information Technology (UCC).
“Maaari rin mawalan ng gana ang ilang tao dahil wala na silang magiging libangan o pampalipas oras kung wala ang internet. Wala na rin ang mga updates para sa mga pangyayari sa araw-araw. Lahat ng bagay na pinanggagamitan ng internet ay mawawalang saysay, ngunit sa kabila nito may positibo, babalik tayo sa dati na kung saan gagamitin natin ang ating mga kamay upang sumulat at magkaroon ng komunikasyon sa bawat isa” dagdag ni Mariellyne.
Para naman kay Fitzpatrick Gruenberg, 20, Bachelor in Industrial Technology Major in Automotive ng Unibersidad de Manila (UDM), tiyak na mananatili ang mga larong kalsada sa mga kabataan at hindi maaadik sa mga online games habang mas lalakas pa ang pangangatawan.
“Kung walang internet, panigurado maglalaro pa rin ang mga bata sa labas o sa kalye ng turumpo, tumbang preso, paway, at iba pa, mas masaya ’yun at hindi sila mae-expose sa social media, mas mag kakaroon pa sila ng time lumabas kaysa nasa bahay at nakatutok sa cell phone o tablet” ayon kay Gruenberg.
Aminado naman si Renalyn Bolo, 19, 4th year Communication Student ng UCC, na napakahirap para sa kanila na walang internet lalo na’t isa sa pangunahing pangangailanga ang mga “editing applications” sa mga proyektong pang-media tulad ng “photography, film, radio and tv broadcasting habang hindi niya maisip kung paano magsasaliksik kung walang internet.
Para sa katulad din nilang nag-aaral ng komunikasyon, aminado sila na halos umaasa na lamang sila sa internet lalo na sa social media sa pagkalap ng balita at pag-antabay sa mga isyung pang-politika at panlipunan sa bansa. Wala silang ideya kung paano gagawin ang lahat ng ito kung biglang mawawala sa kanila ang internet.
Sa kabilang banda, sinabi rin ni Bolo na kung walang internet, wala rin ang napakaraming cybercrime ngayon, magiging mas malusog ang kasalukuyang henerasyon habang mas magiging tumpak ang mga impormasyong makakalap sa pamamagitan ng dyaryo, telebisyon at radyo dahil sa malalayo sila sa napakaraming maling impormasyon o “fake news” sa internet.