Araw na isinilang ang Pang-Masa Balik-Tanaw sa taong 2003

MANILA, Philippines — Taong 2003 nang isilang ang pinakabatang tabloid ng Star Group of Companies. Sa loob ng nakalipas na 15 taon, nagpatuloy sa pagtaas ang kasikatan ng pahayagan sa kabila ng mahigpit na kumpetisyon at pagbabago ng teknolohiya.

 

Ngayong 2018, bukod sa tradisyunal na pahayagan, mababasa na ang mga balita ng Pang-Masa sa pamamagitan ng internet at iba pang teknolohiya.

Sa malaking pagbabagong ito, ating balikan ang taong 2003 upang makita natin ang lagay ng lipunan, politika, teknolohiya at entertainment sa 15 taon na ang nakalipas.

Politika

Noong 2003, nakaupo pa bilang Pa­ngulo ng bansa si Gloria Macapagal-Arroyo makaraang mapatalsik sa posisyon si dating Pangulong Joseph Estrada. Sa kabila nito, hindi naging maayos ang pamahalaan ni Arroyo dahil sa samu’t saring batikos sa kanyang pamahalaan.

Hulyo 27, 2003 nang maglunsad ng tinaguriang “Oakwood mutiny” ang grupong “Magdalo” na binubuo ng higit 300 sundalo na layong ipakita ang korapsyon sa pamahalaan at paglaban sa nakikita nilang deklarasyon ng Batas Militar. Dito unang narinig ang pangalang Lt. Sr. Grade Antonio Trillanes IV ng Philippine Navy na isa sa pinuno ng pag-aaklas na ngayon ay isa nang Senador.

Pebrero 13 naman nang mabigyan ng karapatan na bumoto ang milyun-milyong overseas Filipino wor­kers (OFWs) nang maipasa bilang batas ang Overseas Absentee Voting Law.

Sports

Sa pala­kasan, taon ni pambansang kamao na si Manny Pacquiao ang 2003 makaraang parangalan na Filipino Athlete of the Year ng Philippine Sports Commission sa ikalawang pagkakataon.

Kasama ni Pacquiao sa karangalang ito ang bowler na si Christian Jan Suarez.

Nakapagtala ng tatlong magkakasunod na panalo sa international boxing si Pacquiao habang naging ikalawang bowler si Suarez na napanalunan ang World Cup bukod kay 4-time champion Paeng Nepomuceno.

Ito rin ang taon na unang nagkampeon ang koponang Talk ‘N Text sa Philippine Basketball Association.

Pumang-apat naman ang Pilipinas sa Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam nang makakolekta ng kabuuang 177 medalya na binubuo ng 48 ginto, 54 pilak, at 75 tansong medalya.

Showbiz

Ang 2003 ang panahon ng Taiwanese pop idols.  Nasa rurok ng kasikatan ang Taiwanese boy group na F4 nina Jerry Yan, Vic Zhou, Ken Zhu, Vaness Wu kasama ang leading lady nila na si Barbie Shu sa pinakasikat na Tsinobela na “Meteor Garden”.

Sa lokal na awitin, na­ging panahon ng ‘novelty songs’ ang 2003 sa pagpatok ng mga awiting ‘Mr. Suave’, ‘Tayo’y Mag-Otso-Otso’, at Bulaklak na pawang isinulat ng composer na si Lito Camo.

Sa taong ito rin nakilala ng showbiz ang 14-anyos na si Sarah Geronimo na unang nakilala sa pagi­ging kampeon sa amatuer singing contest ng Channel 13 na Star for a Night.  Ngayong 2018, isa na sa pinakamaningning na singer at aktres si Sarah sa bansa. 

Teknolohiya

Habang matindi ang kumpetisyon ngayong 2018 ng IOS at Android at pataasan ang memorya ng mga smart phones, noong 2003 ang pinakapatok na mobile phone ang Nokia 1100 na sinasabing aabot sa higit 200 milyong units ang naibenta sa buong mundo.

Dito rin unang gumamit ng OS (operating system) sa cellphone sa pamamagitan ng paglabas ng Symbian OS-based Nokia series 60 platform sa kanilang Nokia 6600.

Sa taon ding ito na-develop ang USB flash driver na pumatay sa floppy disks dahil sa pagiging ‘portable’ nito at mas mataas na memorya.  Sa kasalukyan, umaabot na sa higit 2 terrabytes ang kapabilidad ng mga pinakamalalakas na flash drive sa merkado.

Ekonomiya

Ayon sa website na countryeconomy.com, nasa ika-48 na puwesto ang Pilipinas sa 195 mga bansa sa naitalang gross domestic product (GDP) noong 2003 na umabot sa $83,908 milyon.

Nitong nakaraang 2017, umakyat ang Pilipinas sa ika-39 puwesto nang makapagtala ng $310,000 GDP.

Pagpanaw

Naitala rin noong 2003 ang pagpanaw ng ilan sa mga pinakasikat at iginagalang na mga personalidad sa Pilipinas.  Kabilang sa kanila sina:

Aktor at radio host Rod Navarro (Abril 9); dating Senador Rene Cayetano (Hunyo 24); dating aktor na si Vic Vargas (Hulyo 19); dating Bise-President Emmanuel Pelaez (Hulyo 27); showbiz personality Inday Badiday (Setyembre 26); Carding Castro ng Reycards Duet (Nobyembre 14); dating Senador Blas Ople (Disyembre 14); at aktor na si Miko Sotto (Disyembre 29).

Show comments