MANILA, Philippines — Patay ang tatlong lalaki na sakay ng isang motorsiklo makaraang suwagin ng isang truck kamakalawa ng gabi sa national highway ng Brgy. Bugayong, Binalonan, Pangasinan
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan sa nasawing driver ng kulay dalandan na Rusi motorcycle at dalawa nitong angkas.
Sa ulat, bago nangyari ang aksidente bandang alas-11:50 ng gabi sa national highway sa bahagi ng Aloragat Bridge, Brgy. Bugayong ay kasalukuyang magkakaangkas ang mga biktima sa nasabing motorsiklo na minamaneho ng isa sa mga ito.
Masyadong mabilis ang takbo ng motorsiklo na sinakop ang kabilang linya at sa kamalasan ay ay nahagip ito nang paparating na Isuzu forward reefer van truck (RKR-232) na minamaneho ni Glorioso Tobias, 42.
Sa lakas nang pagkakabangga ay tumilapon ang tatlong biktima na walang suot na helmet na kung saan ay nabagok ang ulo at nagulungan ng truck.
Nanawagan naman ang pulisya sa mga posibleng nakakakilala sa mga biktima na makipag-ugnayan sa kanila para kunin na ang labi ng mga ito.