MANILA, Philippines — Napatay ng mga otoridad ang dalawang pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na Akyat Bahay gang matapos manlaban sa mga otoridad kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Isa sa mga suspek ay tinatayang mahigit 20 anyos, 5’2” ang taas, katamtaman ang pangangatawan, may tattoo na Badboy sa itaas ng kanang dibdib at Sputnik naman ang tattoo sa kanang balikat, nakasuot ng kulay asul na t-shirt at itim na short pants. Habang ang isa ay tinatayang nasa pagitan ng 35-40 anyos, nasa 4’9” ang taas, may tattoo na Helen Apeng sa likurang bahagi ng katawan at Boy Aquino sa ibabang bahagi ng dibdib, nakasuot ng kulay itim na t-shirt at short pants.
Sa ulat, bago nangyari ang barilan bandang alas-11:45 ng gabi ay humingi ng tulong ang negosyanteng si Ricky Sevilla ng Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches sa Police Station (PS) 4 matapos nitong madiskubre na puwersahang pinasok at pinagnakawan ang kaniyang computer shop sa No. 36 Dominga Street sa panulukan ng Pablo Street., F.B. de Jesus Subdivision.
Nagresponde naman ang mga pulis at hinabol ang mga tumatakas na dalawang suspek at nang makorner ay bumunot umano ang mga ito ng baril at pinaputukan ang mga una na gumanti ng putok at napatay ang mga huli.
Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang isang cal. Norinco .45 pistol na may dalawang bala at coin purse na naglalaman ng P32,0000 at dalawang sachet ng shabu.
Nasamsam din ang isang Yamaha RS 110 motorcycle at computer CPU na may monitor and accessories.