MANILA, Philippines — Isang kandidato sa pagka-konsehal ng bayan para sa nalalapit na mid-term elections ang pinagkaitang makapaglingkod sana sa publiko matapos masawi nang pagbabarilin ng ‘di pa natutukoy na armadong riding-in-tandem sa Brgy. Julo, sa bayan ng San Antonio, sa lalawigan ng Nueva Ejica, kamakalawa ng hapon.
Naisugod pa sa pagamutan ngunit idineklarang dead-on-arrival ang 42-anyos na aspiring councilor ng naturang bayan na si Allan Joson, may asawa.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:40 ng hapon habang nakatayo ilang metro ang layo mula sa kanilang tahanan nang biglang sumulpot ang mga salarin sakay ng isang kulay lunti na Yamaha Mio at walang pagliliming sunud-sunod na pinagbabaril si Joson hanggang sa duguang bumulagta.
Nang matiyak na wala nang buhay ang kanilang target, agad namang tumakas ang mga suspek sa ‘di natukoy na direksyon na sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao sa pinangyarihan ng pamamaslang.
Kinondena naman ni Central Luzon Police Director Chief Supt. Amador Corpus ang krimen at sinabing bubulatlatin sa imbestigasyon ang lahat ng posibleng motibo sa kaso kabilang na ang pulitika.