AFP, PNP susupilin ang private armed groups sa elections
MANILA, Philippines — Nakahanda ang pamunuan ng AFP at PNP na supilin ang private armed group na banta sa matiwasay at mapayapang halalan sa susunod na taon.
Ayon sa liderato ng AFP at PNP na ipatutupad nila ang istratehiya ng seguridad upang matiyak ang Honest Orderly and Peaceful Elections.
Sa ginanap na Joint Peace and Coordinating Committee (JPSCC) sa Camp Crame, nagpulong ang mga opisyal ng AFP sa pamumuno ni Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr. at ng pulisya sa pangunguna naman ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde upang talakayin ang pagsupil sa lahat ng banta sa halalan.
Ang PAGs at mga gun for hire na ginagamit ng mga mandarayang pulitiko ang nangungunang banta sa pagdaraos ng matiwasay at mapayapang eleksyon sa susunod na taon.
Ang mga opisyal ay nagkasundo upang lansagin ang Private Armed Groups (PAGs) at gun for hire na balakid sa mapayapang 2019 midterm polls .
Idinagda pa ni Albayalde na banta rin sa eleksyon ay ang mga teroristang New People’s Army (NPA) na nagsasamantala sa paniningil ng Permit to Campaign (PTC) at Permit to Win (PTW) sa kanilang mga balwarteng teritoryo sa mga mangangampanyang kandidato.
- Latest