Isulan bomber todas sa engkuwentro

MANILA, Philippines — Napatay ng tropa ng militar ang isang notoryus na bomber ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na isinasangkot sa dalawang insidente ng pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat na kumitil ng buhay ng apat katao at ikinasugat ng mahigit 50 sa naganap na engkuwentro sa Shariff Aguak, Maguindanao nitong Sabado.

 

Kinilala ni Army’s 6th Infantry Division (ID) at Joint Task Force Central Commander Major Gen. Cirilito Sobejana  ang napatay na suspek na si Norodin Taib, umano’y notoryus na bomb expert ng BIFF Daesh Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) inspired na sangkot sa serye ng pambobomba sa Central Mindanao.

Ayon kay Sobejana, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang magsagawa ng law enforcement operation ang tropa ng 601st Infantry Brigade ng Phl Army sa liblib na bahagi ng Sitio Lab, Brgy. Kuloy, Shariff Aguak laban sa grupo ng BIFF. Ginagalugad ng mga sundalo ang lugar at pinalibutan ang bahay na pinagtataguan ni Taib pero nagpulasan ang lima nitong kasamahang terorista.

 Nagtangka ring tumakas si Taib at naghagis pa ng granada sanhi upang paputukan na siya ng mga sundalo na siyang tumapos sa kanyang buhay. 

Sa tala, si Taib ay sangkot sa pambobomba sa Hamungaya festival sa Isulan na ikinasawi ng tatlo katao at 36 ang nasugatan noong Agosto 28 at nasundan ng pambobomba noong Setyembre 2 na ikinasawi ng isa at nasa 15 ang nasugatan.

Narekober sa encounter site ang isang improvised explosive device, dalawang improvised hand grenade, tatlong cellphone at mga subersibong dokumento.

Show comments