Hepe ng Bocaue Police, timbog sa kotong

Sa pinagsanib na puwersa ng PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF), Highway Patrol Group (HPG) Region 3 at Intelligence Group, nasakote sa loob mismo ng kanyang opisina sa himpilan ng Bocaue Police PNP, dakong alas-12:07 ng madaling araw ang hepe na si P/Supt. Juwen Dela Cruz.
File

MANILA, Philippines —  Hindi na nakapalag ang isang hepe ng pulisya sa isang bayan sa lalawigan ng Bulacan nang siya’y arestuhin ng kanyang mga kabaro habang tumatanggap ng mamahaling cellphone sa ikinasang entrapment operation laban sa kanya sa Bocaue, Bulacan nitong Sabado ng madaling araw.

 

Sa pinagsanib na puwersa ng PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF), Highway Patrol Group (HPG) Region 3 at Intelligence Group, nasakote sa loob mismo ng kanyang opisina sa himpilan ng Bocaue Police PNP, dakong alas-12:07 ng madaling araw ang hepe na si P/Supt. Juwen Dela Cruz.

Sa ulat na nakara­ting kay PNP-CITF commander P/Sr. Supt. Romeo Caramat Jr., nasa aktong tinatanggap ni Dela Cruz ang isang mamahaling Apple I-Phone X mula sa babaeng nagrereklamo nang ito’y dakipin ng kanyang mga kabaro.

Bago ito ay dumulog ang nagrereklamong babae sa tanggapan ng PNP-CITF sa Camp Crame at inireport na ang Montero SUV vehicle ng kanyang kapatid na nahuli sa isang drug operation ay kinumpiska ng mga pulis at isinailalim sa kustodya ng nasabing opisyal.

Ngunit nang beripikahin ay wala sa police blooter book ang naturang sasakyan na naging dahilan upang lumapit ang kapatid na babae ng drug suspek kay Dela Cruz upang tubusin ang kanilang sasakyan.

Dito na umano sinabihan ng hepe na maibabalik lamang ang naturang sasakyan kapalit ng Apple I-Phone X na nagkakahalaga ng P75,000 dahilan upang humingi ng tulong ang babae sa mga otoridad saka isinagawa ang entrapment operation na ikinaaresto ng suspek.

Narekober naman sa ­operasyon ang isang Montero SUV, isang To­yota Vios, isang Wigo at dalawang motorsiklo na nakum­piska sa inarestong suspek sa anti-criminality at anti-drug operations sa kanilang hurisdiksyon..

Show comments