Pulis opisyal todas sa ambush

MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang opisyal ng pulis sa Pasay City matapos nang pagbabarilin habang sakay ng kanyang owner type jeep ng nag-iisang gunman na nakamotorsiklo kamakalawa ng hapon sa nasabing lungsod.

Ang biktima na nasawi dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si P/Inspector Allan Ortega, 47, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP)-4, Pasay City Police at naninirahan sa #333 Tramo Riverside, Brgy. 156, Zone 16 ng nasabing lungsod.

Bago nangyari ang ambush dakong alas-4:35 ng hapon ay minamaneho ni Insp.Ortega ang kanyang owner type jeep (URG-805) at habang binabaybay  ang kahabaan ng Andrews Avenue malapit sa Gate 2 ng LRT Depot, Brgy. 190 ay sumulpot ang nag-iisang suspek sakay ng motorsiklo na walang plaka at apat na beses na pinutukan ang biktima.

Nang masigurong patay na ang biktima ay mabilis na tumakas ang gunman habang ang biktima ay isinugod ng mga bystanders San Juan De Dios Hospital, subalit hindi na ito umabot ng buhay.

Nabatid na isang buwan pa lamang sa puwesto sa PCP-4 ang biktima na dating nakatalaga sa PCP-9.

Show comments