MANILA, Philippines — Isang sikat na doktor ang inaresto ng mga otoridad sa kasong 2 counts of rape sa isinagawang operasyon sa basement parking area ng isang condominium unit sa Mandaluyong City kahapon.
Ang nasakoteng suspek ay kinilalang si Dr. Joel Mendez.
Sa ulat ni Mandaluyong City Chief of Police P/Sr. Supt. Moises Villaceran Jr. bandang alas-11:30 ng tanghali nang masakote si Dr. Mendez ng mga otoridad sa basement parking area ng BSA Twin Tower sa Mandaluyong City kaugnay ng kasong 2 counts of rape na isinampa laban dito may apat na taon na ang nakalilipas.
Nabatid na ilang buwang surveillance operation ang isinagawa laban kay Dr. Mendez kaugnay ng warrant of arrest sa kasong 2 counts of rape na inisyu ni Judge Imelda Portes-Saulog ng Regional Trial Court (RTC) Branch 214.
Nabatid na nagtago si Dr. Mendez nang masampahan ng kaso ng kaniyang biktima hanggang sa maispatan ng tipster ng pulisya na nagresulta sa kaniyang pagkakaaresto.
Matapos ang ilang minuto na pagkakulong sa detention cell ng Mandaluyong City Police ay nakalaya agad si Dr. Mendez nang ito ay makapaglagak ng piyansa na tig P120,000 bawat sa isang kaso o kabuuang P360,000.