MANILA, Philippines — Swak sa selda ang isang Amerikano at sampung iba pa matapos silang maaktuhang ‘bumabatak’ ng shabu sa dalawang magkahiwalay na operasyon ng mga alagad ng batas kamakalawa sa lungsod ng Quezon at Caloocan Sa Quezon City, humihimas na sa rehas ngayon ang mga suspek na kinilala ni QCPD Dir. P/C Supt. Joselito Esquivel Jr. na sina George Purnell, 40-anyos, isang American national, na mula sa Yorkshire Pennsylvania, U.S.A, at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Santo Cristo, Bago Bantay; Maricris Jacinto, 30; Tommy Taccaban, 36; Renato Dacillo, 55; pawang ng Brgy. Bagong Pag-asa; Aris Samar Manlapaz, 30, ng Mabebe, Pampanga at Edel Garcia, ng Brgy. Bahay Toro, Project 8.
Natimbog ang mga suspek ng mga tauhan ng QCPD-Masambong Police Station (PS-2) dakong alas-6:30 ng gabi at nakumpiskahan ng dalawang sachet ng shabu at drug paraphernalia.
Sa Caloocan, kalaboso rin matapos na masakote sa isang bahay sa #17 Katipunan St. ang mga suspek na sina Dolores Nallares, 50, ng #12 Katipunan Street; Carmelito Corales Jr., 46, taga Milagrosa St., Caloocan City; Veronica Tagudin, 39, ng #72 Baesa St., Quezon City; Shane Briones 23, taga #99 Block 44, Palmas St., Canpobo Bulacan at Marvin Amaro 30, residente ng #41 North Diversion Road, Camachile Quezon City.
Nabatid naman na ang mga nasakoteng suspek mula sa dalawang lungsod ay bunsod ng mga tawag ng concerned citizens.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.