MANILA, Philippines — Nakatakdang ipatawag ng Senado sina dating DILG Sec. Mar Roxas at dating PNP chief Alan Purisima upang imbestigahan kaugnay sa P1.8 bilyong patrol vehicles na natuklasan ng Commission on Audit (COA) na disadvantegous.
Ayon kay Sen. Grace Poe, pinuna ng COA ang pagbili ng 2,000 na Indian-made na Mahindra vehicles ng PNP noong nakaraang administrasyon na natuklasang ‘unfit’.
Una nang kinuwestiyon noong 2014 ni Sen. Poe ang pagpabor ng PNP sa Mahindra para sa patrol jeep nito sa kabila ng kawalan nito ng track record sa Pilipinas kumpara sa Toyota at Ford.
“Ipapatawag natin si General Purisma. Kailangan nating ipatawag iyung namuno ng DILG sapagkat ganito kalaki P1.8 billion, hindi naman maaprubahan iyan ng PNP kung hindi po iyan pinaboran din ng DILG,” paliwanag pa ni Poe.
“Makikita natin kung tatanggapin lahat ni General Purisima ang pagkakasala rito o pagkakamali o mayroon siyang ituturo na nag-impluwensya sa kaniya para aprubahan ito,” dagdag pa ni Poe.
Aalamin din sa isasagawang imbestigasyon ng Senado kung nagbayad ng retention fee ang Mahindra bilang pondo sa repair ng mga units nito sa sandaling masira.